Panukalang subsidiya sa upa sa bahay ng mga maralita, kailangang maipasa sa lalong madaling panahon

Hinikayat ni Opposition Senator Leila de Lima ang mga kasamahang mambabatas na ipasa agad ang panukalang batas na layuning i-subsidiya o ambagan ng pamahalaan ang upa sa bahay ng mga informal settler families o ISFs.

Panawagan ito ni De Lima makaraang aprubahan na ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement na pinamumunuan ni Senator Francis Tolentino ang nabanggit na panukala.

Diin ni De Lima, malaki ang maitutulong ng panukala upang mabawasan ang mga pasanin at alalahanin ng marami nating kababayan, na humarap at patuloy na humaharap ngayon sa mas mabibigat na problema sa pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan dahil sa pandemya.


Paliwanag ni De Lima, ang panukala ay magsisilbing long term solution sa problema sa pagitan ng mga nagpapa-upa at mga umuupa na gipit ngayon dahil sa pandemya.

Ayon kay De Lima, higit ngayong kailangan na maisulong ang karapatan ng mamamayan na magkaroon ng tirahan bilang pangunahing depensa laban sa COVID-19.

Facebook Comments