Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill 4673 o panukalang pagpapaliban ng December 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ng isang taon.
Ito ay sa kabila ng last-minute attempt ni Albay First District Representative Edcel Lagman na itigil ang botohan bunsod ng kakulangan ng mambabatas sa plenaryo na nakatutok sa pagdinig ng 2023 national budget at iba pang dahilan.
Mababatid na inihain ni Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairman Mountain Province Rep. Maximo Dalog ang panukala sa plenaryo bunsod ng 43 house bills na layon ding suspendihin ang naturang halalan.
Inaasahan namang pagbobotohan ito para sa final approval matapos ang dalawang araw at umaasang mapipirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos bago ang election period.
Una nang nanawagan ang ilang election watchdogs na huwag nang ipagpaliban ang BSK elections dahil matagal na itong na-delay at tila ipinagkakait sa mga botante na makaboto ng kanilang lider sa barangay.
Mababatid na noong May 2018 pa nang huling idaos ang barangay elections sa bansa.