Panukalang Sustainable Cities and Communities Act, lusot na sa Kamara

Sa botong pabor ng 242 mga kongresista ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6715 o panukalang Sustainable Cities and Communities Act.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, itinatakda ng panukala ang paglikha ng komunidad na makapagbibigay ng disenteng pamumuhay lalo na sa mga mahihirap kung saan may maayos na tahanan at mayroon ding recreation facilities, basic services and employment opportunities.

Sabi ni Romualdez, layunin ng panukala na mahikayat ang mga mahihirap sa malalayong lugar na huwag nang makipagsapalaran sa mga mga lungsod para maghanap ng trabaho na bubuhay sa kanilang pamilya.


Sa ilalim ng panukala ay bubuo ng isang National policy framework na mag-aatas sa mga lungsod, munisipalidad at barangay na klasipikado na magpatupad ng mga programa alinsunod sa Ambisyon 2040 at Philippine Standards for Sustainable Cities and Communities.

Kasama rito ang maayos na sistema ng transportasyon, green infrastructure at iba pang pangangailangan para sa paglinang ng mga residente nito.

Nakapaloob din sa panukala ang paglalatag ng National Housing and Urban Development Sector Plan para sa short-term, medium-term, at long-term strategic plan ng bawat siyudad at munisipalidad.

Facebook Comments