Panukalang tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC, makakaapekto sa paglaban ng bansa sa insurgency

Tutol si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez na i-defund o tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Torres-Gomez, hindi tamang hakbang ang pag-defund sa ahensya dahil lamang sa isyu ng red-tagging.

Sa halip, ay dapat na sumentro ang bansa sa mas malawak na perspektibo lalo pa’t mas malaking hamon ang kinakaharap ng mga Pilipino ngayong may pandemya.


Tinukoy ng kongresista na kung aalisin ang kakayahan ng NTF-ELCAC ay makakaapekto ito sa matagumpay na laban ng gobyerno sa insurgency.

Aniya, ang ₱16 billion na pondo ng NTF-ELCAC na inilaan sa Barangay Development Program ay nakatulong para sa pagbangon ng mga rebeldeng nagbabalik loob sa pamahalaan at sa pagkamit ng kapayapaan sa mga probinsya.

Para sa lady solon, maaari namang suportahan ang mga community pantries habang patuloy ang mga programa para sa kapayapaan sa pamamagitan ng NTF-ELCAC.

Iginiit pa ni Torres-Gomez na dapat magkaroon ng makatwirang hakbang na hindi makakaapekto sa mga localized programs na magwawakas sa matagal na problema sa insurgency ng bansa.

Facebook Comments