Ibinabala ni Committee on Youth Chairman Senator Sonny Angara ang posibleng mga problemang idulot, kung hindi agad maaaksyunan ang lumalaking bilang ng Out of School Youth dahil sa pandemya.
Base sa datos ng Department of Education (DepEd) ay halos apat na milyon ang mga estudyanteng hindi nakapag-enroll sa kasalukuyang school year dahil sa epekto ng pandemya sa kabuhayan.
Tinukoy ni Angara na base sa Philippine Statistics Authority (PSA) data, bukod sa pandemya ay dahilan din ng hindi pag-aaral ng mga kabataan ang pag-aasawa, problema sa pamilya, kawalan ng interes o kakulangan ng perang pantustos sa edukasyon.
Bilang tugon ay inihain ni Angara ang Senate Bill 1090 o ang panukalang Magna Carta of the Out of School Youth.
Itinatakda ng panukala ang pagbuo ng mga polisiya at programa para sa ikabubuti ng mga Out of School at para sila ay mahikayat na tanggapin ang mga oportunidad na para sa kanila.
Ayon kay Angara, magkakaloob ang panukala ng libreng mandatory technical o vocational education sa pamamagitan ng TESDA at mga scholarships sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED).
Dagdag pa ni Angara, tinitiyak din ng panukala na makakatanggap ng health benefits at social services ang mga Out of School Youth at tutulungan din sila ng gobyerno na magkaroon ng mapagkakakitaan.