Halos tapos na at handa nang gawan ng committee report ng Senado ang panukalang Unified System for Separation Retirement, Pension of Military and Uniformed Personnel.
Matatandaang kabilang ito sa mga panukalang pinaaksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
Ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, hinihintay na lang din nilang maisapinal ang pag-aaral na ipinagawa nila sa Government Service Insurance System (GSIS) at National Treasury para matiyak na maipagpapatuloy ang programa.
“Kasi 9.6 trillion pesos yung tinitingnang na feed money rito para ma-sustain yung retirement pay ng mga retired at magre-retire pa. Madaling magsabi na, ‘okay, busugin natin yung mga retired officers’ pero yung pondo ang pinakamalaking usapin,” paliwanag ng senador.
“Ang iniiwasan natin dito na magpantay o lumampas pa yung pera ng mga retired kesa doon sa PS nung mga nasa serbisyo.”
Ayon kay Lacson, nakikipag-usap din sila sa kanilang counterpart committee sa Kamara para mapabilis ang pagpasa sa panukala.
Para naman sa senador, hindi na kailangan ng batas para sa legal assistance sa mga tauhan ng AFP at PNP dahil mayroon na silang command reserve.
Samantala, pinuri rin ni Lacson ang pagiging tapat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kahapon ukol sa naging pagkukulang niya sa pagtugon sa banner program ng administrasyon –– ang paglaban sa iligal na droga at korapsyon.
“But, meron pa namang isang taon, sana, mas gusto nating marinig kung ano yung pwede niyang gawing catchup plan para doon sa kanyang shortcomings sa pagtugon sa dalawang napakaimportanteng programa ng kanyang administration.”