Panukalang virology and vaccine institute, hiniling ng isang senador na pagtibayin na

Patuloy na isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalakas sa pag-develop ng local vaccine sa bansa sa pamamagitan ng paglikha ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines lalo ngayon na tumataas muli ang infection rate sa Metro Manila.

Sinabi ni Gatchalian na nakita naman noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ang kahalagahan ng pagiging handa lalo na sa pagpapalawig sa kakayahan ng bansa na mag-aral ng iba’t ibang virus at viral diseases.

Naniniwala ang senador na kung magkakaroon ng virology and vaccine institute sa bansa ay matitiyak na mas handa na tayo at mas mapapdali ang pagtuklas sa mga bakuna para masugpo ang mga sakit.


Hiniling ni Gatchalian ang agad na pagpapatibay sa Senate Bill 941 na layong bumuo ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines o VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology na sumasaklaw sa lahat ng uri ng viruses at viral diseases sa halaman, hayop at sa tao.

Ang anumang research output na mula sa VIP ay isasama sa plano ng pamahalaan para sa pangangasiwa ng public health emergencies na may kaugnayan sa infectious disease gayundin para sa disease control at prevention.

Facebook Comments