Tinutulan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang panukalang isinusulong ng Kongreso na virtual marriage act.
Ayon kay CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, posible itong maging ugat ng mga pekeng kasal na maaaring makasira sa pagiging sagrado ng pamilya.
Aniya, naiintindihan nila kung bakit nagkaroon ng ganitong panukala dahil sa paglilimita ng mga pumapasok ng simbahan.
Pero hindi dapat aniya sa ganitong kadahilanan para baguhin ang batas.
Base sa Family Code, sa seremonya ng kasal ay obligado ang bawat partido na humarap sa solemnizing officer at ideklara na kusang-loob nilang tinatanggap ang bawat isa bilang asawa.
Matatandaang una nang isinulong ni Kabayan Partylist Representative Ron Salo ang House Bill 7042 na mag-aamyenda sa Family Code para maisama ang virtual presence kung saan maaaring hindi na personal ang presensya ng couple sa magkakasal.