Panukalang ₱1,000 ayuda sa Bayanihan 3, tinutulan ni Cayetano

Tinutulan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala ng House Committee on Economic Affairs at Committee on Social Services na ₱1,000 ayuda sa bawat indibidwal sa ilalim ng Bayanihan 3.

Ayon kay Cayetano, sapat ang ₱200 bilyong pondo sa panukalang Bayanihan 3 para makapagpamahagi ng ₱10,000 ayuda sa bawat pamilya.

Nitong Pebrero, inihain ni Cayetano at kaniyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill na layong bigyan ng ₱10,000 tulong-pinansyal ang bawat pamilyang Pilipino na apektado ng pandemya.


Isinama ang panukalang batas sa bagong bersyon ng Bayanihan 3, pero hindi isinali ang probisyon na ₱10,000 ayuda sa bawat pamilya.

Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang publiko na manawagan sa mga mambabatas sa pamamagitan ng social media na suportahan ang mungkahing mabigyan ng ₱10,000 tulong-pinansyal ang bawat pamilya.

Kumpiyansa naman si Cayetano na hindi ivi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 10K Ayuda Bill kapag ipinasa ito ng Kongreso dahil may mapagkukunan naman ng pondo para dito.

Facebook Comments