Masusi ng pinag-aaralan ng liderato ng Kamara ang mga panukalang inihain ng mga kongresista na nagsusulong ng mula ₱150 hanggang ₱350 na umento sa sahod ng mga manggagawa kada araw.
Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga 2nd District Representative Mannix Dalipe, iniutos ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na humanap ng paraan para mapataas ang take home pay ng mga manggagawa.
Sabi ni Dalipe, kasamang pinapasilip ni Romualdez ang pagsasabatas ng wage hike o kaya ay revisions o pagbabago sa mekanismo ng regional wage board.
Agad naman nilinaw ni Dalipe na kinikilala nila ang pagsisikap ng Senado na maitaas sa ₱100 ang daily minimum wage pero sa nangangamba sila na kukulangin ito para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa at mapabuti ang bumabagsak na purchasing power ng labor sector.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Dalipe na handa na ang House Committee on Labor and Employment na gawing prayoridad ang pagbusisi sa mga panukala na may kinalaman sa taas-sahod at sa katunayan ay kasado sa Miyerkules ang gagawin nitong pagdinig.