Naisumite na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang ₱5.268 trillion national budget para sa 2023.
Pinangunahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pagsusumite nito sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa Batasan Complex.
Ang proposed 2023 national budget ay 4.9% o ₱244 billion na mas mataas sa ₱5.024 trillion na pondo ngayong taon at katumbas ng 22.1% ng gross domestic product ng bansa.
Ito ang kauna-unahang national budget sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
Prayoridad para sa 2023 national budget ang health related expenditures, disaster risk management, social security, digital economy/government, local government support, at growth-inducing expenditures.
Ayon kay Romualdez, target ng Kamara na matapos ang deliberasyon sa panukalang pondo bago o sa October 1.