Panuntunan para sa libreng sakay ng mga estudyante, inilabas ng LRTA

Naglabas na ng panuntunan ang Light Rail Transit Authority (LRTA) para sa libreng sakay ng mga estudyante sa darating na pasukan.

Magsisimula ang libreng sakay sa August 22 na tatagal hanggang sa November 5, 2022.

Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, tanging mga estudyante lang mula elementary hanggang college ang sakop ng libreng sakay sa LRT.


Hindi kasama sa libreng sakay ang mga kumukuha ng master’s degree at iba pang graduate students na nag-aaral.

Kailangan ding magbayad ng pamasahe ang mga magulang, kasambahay o sinumang maghahatid sa estudyante sa paaralan.

Sa mga estudyanteng gustong ma-avail ang libreng sakay, pumunta lamang sa passenger assistant booth at ipakita ang ID o enrollment document para mabigyan ng ticket.

Hindi valid ang picture ng ID na nasa cellphone.

Samantala, inaasahang aabot sa 25,000 hanggang 30,000 na mga mag-aaral ang madaragdag sa mga pasahero ng LRT kapag nagsimula na ang pasukan.

Facebook Comments