Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Inter-Agency Task Force (IATF) na simulan na ang pagbalangkas ng listahan ng benepisyaryo para sa COVID-19 vaccination program habang nakikipagpulong pa sila sa mga pharmaceutical firms na nais mag-supply ng bakuna.
Ayon kay Villanueva, kailangan ng malinaw na targeting ng mga benepisyaryo dahil maaaring maging bahagi ang isang tao sa higit sa dalawang kategorya na itinakda ng IATF sa kanilang priority list.
Diin ni Villanueva, ito ay para masiguro na hindi magkadoble-doble ang pamimigay ng libreng bakuna dahil limitado lang ang supply.
Ikinalugod din ni Villanueva ang pagtanggap ng IATF sa kanyang mungkahi na palawigin ang priority list ng mga babakunahan upang makabilang ang mga essential workers.
Kabilang dito ang mga tsuper, tindero sa palengke at supermarket, manggagawa sa food manufacturing at retail tulad ng mga restaurants, basurero at street sweeper, mga delivery rider, logistics personnel, at iba pang mga establisyemento.
Giit ni Villanueva, ang mga manggagawang ito ay ang susi sa pagpapatuloy ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa.