Gumagawa na ng panuntunan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa pagbibigay ng ikalawang tranche ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Statutory Program Glenda Relova, hinihintay pa nila ang mga dokumento mula sa Office of the President para sa pagbabagong gagawin ng DSWD sa guidelines sa pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP.
Mula aniya ang mga karagdagang benepisyaryo sa “wait-listed” o ang mga mahihirap na pamilya na hindi naabutan ng tulong pinansyal sa unang tranche ng SAP.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na makakatanggap pa rin ng ayuda ang mga kwalipikadong pamilya na hindi napasama sa unang tranche ng cash aid.
Lahat kasi ng mahihirap na pamilyang hindi nabigyan ng ayuda sa unang tranche ay mapapasama sa second round kahit mula sila sa mga lugar na napasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ).
Samantala, sinabi ni Department of Defense Secretary Delfin Lorenzana na magpapadala ng sapat na pwersa ang mga militar para protektahan ang relief convoys at distribution centers laban sa pag-atake ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan ang DSWD sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine.