Cauayan City, Isabela-“Parang santo kung ituring namin sila noon…Napakataas ng pagtingin namin sa kanila pero mga demonyo pala sila. Basura ang panuntunang pang disiplina nila”
Ito ang madamdamin at puno ng emosyon na pahayag ng isa sa mga sumukong dating matataas na pinuno ng Bagong Hukbong Bayan (BHP) sa lambak ng Cagayan matapos ang naganap na pulong balitaan sa 5th ID, PA sa Camp Melchor Dela Cruz sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Buong tapang nilang inilabas ang kanilang mga saloobin at kung paano sila nalinlang ng mga dati nilang itinuring na kasamahan sa pakikibaka. Si “ka Kira” dating organisador ng Gabriela sa NCR ay minsang naniwala sa mga prinsipyo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Ang inakala niyang katuparan ng kanyang pangarap na magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ay naging bangungot matapos maging biktima sa karahasan ng organisasyong pinagkatiwalaan sa mahabang panahon.
Ayon kay ka Kira, nakaranas siya ng seksuwal na pang-aabuso mula sa mga kumander ng NPA. Sinikap umano niyang kausapin ang iba pang mga kasamang lider ngunit sa halip na pakinggan ay siya pa ang pinaratangang nagpakita ng motibo.
Sa kawalan ng pag asa, nagdesisyon siyang sumuko at magbalik loob sa pamahalaan kasama ang apat na iba pang dating kasapi ng BHB, sila ngayon ay lantarang nagsasabi na bulok ang kinaanibang grupo taliwas sa sinasabi nilang tagapagsulong sa interes at kagalingan ng masa.
Samantala, ayon naman kay Army Major Jekyl Dulauan, pinuno ng 5th ID Division Public Affairs Office (DPAO), ang mga rebelasyong ito ng mga dating pinuno ng NPA ay manipestasyon lamang ng panlilinlang ng grupo.
Giit pa ni Dulauan na tuluyan nang nahubaran ng maskara ang CPP-NPA at hindi na nila kayang ikubli pa ang kanilang makasariling hangarin kaya’t hinihikayat nito ang iba pang aktibong kasapi ng grupo na magbalik loob na sa pamahalaan at tamasaHin ang tunay na kalayaan at demokrasya kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ngayon ay umabot na sa humigit kumulang 300 dating kasapi at supporters ng CPP-NPA sa lambak ng Cagayan ang nagbalik-loob sa pamahalaan simula nang ipatupad ang EO 70 o Whole of the Nation Approach na bumalangkas sa NTF-ELCAC o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.