Panununog ng NPA ng makinang pang-agrikultura sa Bukidnon, paiimbestigahan sa CHR

Makikipag-ugnayan na ang  militar sa Commission on Human Rights Region 10, para paimbestigahan ang ginawang panununog kagabi ng mga NPA sa makinang pang-agrikultura sa Barangay San Nicolas, Don Carlos Bukidnon.

Ayon kay Colonel Edgardo De Leon,  commander ng 403rd Brigade ng Philippine Army sa Bukidnon, ang sinunog ng NPA ay pribadong ari-arian kaya malinaw na paglabag ito sa International Humanitarian Law at Republic Act 9851 na patungkol sa Crimes Against Humanity.

Iniulat ni Colonel De Leon na bandang alas-8 kagabi ng pasukin ng mga armadong tao ang plantation area ng Davao Agriculture Ventures Company, Inc. (DAVCO) sa naturang barangay at inanunsyong sila ay NPA.


Matapos bantaan at takutin ang mga manggagawa sa plantasyon, binuhusan ng mga NPA ng gasolina ang isang camico 633 pineapple harvesting machine at isang backhoe at sinilaban.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Don Carlos PNP at 88th Infantry Battalion matapos na humingi ng saklolo ang mga opisyal ng DAVCO.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, na pag-alaman na tinangay din ng mga terorista ang cellphone ng guardya ng plantasyon bago nagsitakas patungo sa direksyon ng Purok 10, Don Carlos Road patungong  Sitio Buklata, Barangay Camp 1, Maramag, Bukidnon.

Facebook Comments