*Cauayan City, Isabela- *Iginiit ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda Acosta na wala siyang kinalaman sa pagkakaroon ng measles outbreak sa bansa sa kabila ng paninisi sa kanya ng Department of Health (DOH).
Ito ay matapos isisi sa kanya ng mga Health Officials ang hindi pagpapabakuna ng karamihang mga magulang sa kanilang anak dahil sa pagsisiwalat nito na marami ang namatay sa dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa eksklusibong panayam sa kanya ng RMN Cauayan, hindi siya ang dapat sisihin sa naging epekto ng Dengvaxia vaccine na marami ang mga natakot na magulang dahil mismong DOH na rin anya ang nagkulang sa pangangampanya at pagbibigay impormasyon tungkol sa bakuna sa tigdas.
Naghahanap din lamang anya ng masisisi ang naturang ahensya dahil sa naging resulta ng kanilang mismong kapabayaan.
Nanindigan rin si PAO Chief Acosta na gagawin pa rin niya ang kanyang trabaho at responsibilidad sa kabila ng ibinabatong paninisi ng DOH laban sa kanya.