Manila, Philippines – Matapos isama sa binubuong charter ng Constitutional Commission ang pagbabawal sa political turncoatism o pagbalimbing sa ibang partido, umapela si Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na agad aprubahan ng Kamara ang House Bill 7431 o Anti-Political Turncoatism Act.
Layunin ng panukala na tapusin na ang nakasanayan ng mga pulitiko na pag-ober da bakod o madalas na paglilipat ng partido at maparusahan din ang mga ito.
Giit ni Barbers, nagdudulot lamang ito ng pagkalito sa taumbayan at pangaabuso sa demokrasya.
Ayon sa Kongresista, walang batas ang naghihigpit sa mga political butterflies kaya ito ay lalong nagpapahina sa political system ng bansa.
Ang mga pulitikong lalabag ay mahaharap sa automatic forfeiture sa public office at disqualification sa pagtakbo sa eleksyon.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang isang elected public official na magpalit ng political party affiliation sa loob ng kanyang termino gayundin ay ipagbabawal din sa isang kandidato ng elective public office na lumipat ng partido sa loob ng isang taon bago ang eleksyon at kung talunan ang isang kandidato matapos ang halalan hindi rin ito papayagan lumipat ng partido sa loob ng isang taon.