Binigyang pagkilala ni House Committee on People Participation Chairman Rida Robes sa Kamara ang papel ng pribadong sektor sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19.
Ayon kay Robes, naging mahalaga ang pagtulong ng pribadong sektor sa vaccination program ng pamahalaan at sa pag-ahon muli ng ekonomiya ng bansa.
Tinukoy ni Robes na higit sa isang milyong kompanya ang nag-ambagan para makabili ng anim na milyong doses ng COVID-19 vaccine.
Sinabi pa ni Robes na ang pribadong sektor ay nasapol din ng epekto ng COVID-19 pandemic, pero sila ay nakatuwang ng pamahalaan sa pagharap sa pandemya.
Binanggit din ng kongresista ang inilunsad na “Ingat Angat Bakuna Lahat” na isang multi-media campaign ng nasa 100 pribadong kompanya.
Ito ay nabuo sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health, National Task Force Against COVID-19, at Inter-Agency Task Force, para sa COVID-19 response at para makamit ang target na herd immunity.