Matapos ulanin ng kritisismo dahil umano sa pagiging epal, binago ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang tawag sa libreng WiFi kiosk na inilunsad sa Andres Bonifacio monument.
Sa litratong ibinahagi ng Manila Public Information Office nitong Biyernes, makikitang MNL Konek na ang pangalan ng mga kiosk.
Matatandaang inilunsad ni Moreno ang bagong proyekto noong Miyerkules ng gabi sa pakikipagtulungan ng Eastern Communications at pinangalan itong ISKOnek.
(BASAHIN: Libreng WiFi, tawag, at mobile charging inilunsad ni Mayor Isko)
Dahil sa ibinigay na bansag sa naturang programa, hindi napigilan batikusin ng ilang netizens si Moreno.
Ayon sa kanila, nilabag mismo ng alklalde ang polisiyang ipinatupad tungkol sa mga pulitikong epal.
(BASAHIN: Mayor Isko pinapatanggal ang pangalan ng mga ‘epal’ sa eskuwelahan)
Paglilinaw ni MPIO Chief Julius Leonen, ideya ng Eastern Communications ang pangalang ISKOnek.
“In line with our open governance policy, we listened to the frustration of the netizens regarding our anti-epal policy,” ani Leonen.
Sa kabila ng mga pambabatikos, umaasa pa rin ang lokal na gobyerno na maraming matutuwa sa libreng serbisyo na kanilang hinandog.