Para maiwasan na ang Distrust Issue, ihahalal na Pangulo at ikalawang Pangulo dapat “tandem”

Inirekomenda ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza na gayahin ang format ng Amerika kung saan tandem o galing sa parehong ticket at ihahalal bilang iisa ang Presidente at Bise Presidente na mananalo sa eleksyon.

Ang mungkahi ay ginawa matapos ipahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala itong tiwala kay Vice President Leni Robredo mula nang tanggapan nito ang posisyon bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti- Illegal Drugs (ICAD).

Ayon kay Atienza, maiiwasan ang hindi pag-kakaisa sa pagitan ng dalawang pinaka-matataas na opisyal ng bansa kung galing sa iisang partido at magkasundo ang mga ito sa pamamahala.


Dahil dito, pinag-aaralan ni Atienza ang paghahain ng panukala para amyendahan ang 1987 Constitution para mahalal bilang iisa ang magka-alyadong Pangulo at ikalawang Pangulo ng bansa.

Maliban sa tandem na panalo sa halalan ng Pangulo at Ikalawang Pangulo, imumungkahi din ni Atienza na gawin din ang kaperahas na political set-up sa mga lokal na opisyal gaya ng magka-alyadong Governor at Vice Governors, gayundin ang Mayor at Vice Mayors.

Facebook Comments