Kinwestyon ng oposisyon sa Senado ang leadership ni Pangulong Bongbong Marcos sa ika-100 araw ng panunungkulan nito.
Tanong ni Senator Risa Hontiveros ay kung kontrolado na ba ng pangulo ang kanyang pamumuno dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin matapang na naipapakita ni Marcos ang kanyang kapangyarihan at pamamahala.
Ayon kay Hontiveros, matapos ang 100 araw na pamumuno ni PBBM ay mistulang takot pa rin ang pangulo na tingnan ang sarili nito sa salamin lalo’t nagsisimula na ring makaramdam ang publiko ng pangamba sa mga nangyayari sa Malakanyang.
Aniya, ang kawalan ng management skills ng pangulo at ang magulong burukrasya ay hadlang sa maayos na pagganap sa pamahalaan.
Nakita aniya ito sa kontrobersyal na sugar importation order, isyu sa mga pamunuan ng ilang ahensya ng gobyerno, pagbibitiw ng ilan sa Cabinet members, ang kawalan pa rin ng health secretary at ibang agriculture secretary na sana ay tututok sa kakapusan ng pagkain sa bansa.
Ang pangambang ito ay nakita aniya sa pinakahuling Pulse Asia Survey kung saan 42% ng mga Pilipino ay tutol sa performance ng administrasyong Marcos sa pagtugon sa inflation.