BEIJING, China — Nailigtas mula sa hukay ang isang 79-anyos na babae sa northern China, tatlong araw mula nang ilibing ng sariling anak na lalaki.
Na-trauma at patuloy umanong humihingi ng tulong ang nanghihinang nanay, na kinilala sa apelyidong Wang, nang mahukay ng pulisya sa isang bakanteng libingan.
Ayon sa misis ng suspek, isinakay ng kanyang asawa ang nanay sa kartilya at dinala palayo sa kanilang bahay noong Mayo 2.
Makalipas ang tatlong araw na hindi pa rin nakauwi ang matanda, ipinagbigay-alam na ito sa pulis, dahilan upang iditena ang lalaki.
Napag-alamang bahagyang paralisado ang biktima at pagod na umano sa pag-aalaga ang 58-anyos nitong anak, ayon sa ulat ng China Daily nitong Biyernes.
Nahaharap sa kasong attempted murder ang suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente.