Nanawagan si Kabayan Rep. Ron Salo na isapubliko ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang parameters na magiging basehan sa pag-aalis ng Enhanced Community Quarantine sa ilang lugar bago sumapit ang Abril 30.
Paliwanag ni Salo, kung maibibigay ng DOH at IATF ang detalye ng parameters o panuntunan para sa tuluyan o bahagyang pagtanggal ng ECQ ay mabibigyan ng tamang gabay ang mga LGUs sa mga gagawing hakbang o desisyon sa nasasakupan.
Dito rin makikita kung qualified ba talaga ang isang lugar sa partial o total lifting ng ECQ.
Naniniwala ang Kongresista na kung maibibigay lamang ang totoo at kumpletong detalye sa COVID-19 ay tiyak naman na makikiisa ang mga mamamayan partikular na ang target na mabawasan ang mga magkakaroon ng impeksyon o mahahawaan ng COVID-19.
Tinukoy pa ng mambabatas na sa nakalipas na virtual presser ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, nag-adopt umano ang IATF ng ‘set of parameters’ na gagamiting batayan para sa pagtanggal o extension ng ECQ.
Kabilang sa parameters ang trend ng pagdami ng mga nagkakasakit ng Coronavirus, kapasidad ng mga lugar sa kanilang health care system, availability ng quarantine, isolation at treatment facilities, kakayahan sa contact tracing, availability ng Personal Protective Equipment (PPEs) ng mga frontliners, testing capacity, economic factors at security factors.