Parañaque City LGU, magtatayo ng mga satellite locations sa iba’t ibang barangay para sa kanilang COVID-19 vaccinations program

Plano ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na maglagay ng mga satellite locations sa mga barangay para sa kanilang COVID-19 vaccinations program.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, ito’y upang hindi masayang ang bibilhin nilang bakuna kung saan magiging mabilis din ang pamamahagi nito.

Aniya, bukod sa mga vaccination simulation na kanilang isinagawa sa mga mall, nais din nila magkasa nito sa ilang mga barangay.


Ang nasabing hakbang ay upang makita ang kahandaan ng kanilang mga pasilidad gayundin ang mga doktor at nurses na siyang magbibigay ng bakuna kontra COVID-19.

Tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang COVID-19 vaccine pre-registration at screening ng lokal na pamahalaan kung saan sinisiguro ni Olivarez na mabibigyan ng bakuna ang nasa 500,000 na residente ng lungsod.

Matatandaan na nasa 250 milyong pisong pondo ang inilaan ng Parañaque LGU para sa pagbili ng bakuna ngunit sinabi ni City Treasurer Dr. Anthony Pulmano na handa silang maglaan ng isang bilyong piso kung kakailanganin na kanila namang hihiramin sa Landbank of the Philippines.

Facebook Comments