Parañaque LGU, itinangging sila ang nagsagawa ng COVID-19 test sa ilang Chinese nationals

Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na hindi sila ang nag-organisa ng ginawang COVID-19 testing sa mga Chinese national na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Nabatid kasi na unang kumalat sa social media ang larawan ng isinagawang testing sa halos 500 Chinese POGO workers sa clubhouse ng BF Homes Federation of Homeowners Association sa Barangay BF Homes.

Nakasaad pa sa post na eksklusibo lamang ang ginawang test sa mga Chinese nationals kung saan nakapila ang mga ito sa labas ng naturang clubhouse.


Sa pahayag ni Parañaque City Administrator Ding Soriano, sinabi nito na hindi sila ang nagsagawa ng nasabing test at hindi rin sila naglalabas ng anumang pondo para rito.

Aniya, ang ginawang mass testing sa mga Chinese nationals ay ginastusan ng kumpanya ng POGO kung saan pumayag ang Homeowners Association ng BF Homes.

Iginiit pa ni Soriano na ang ginagawa nilang expanded targeted testing ay para sa mga residente ng Parañaque partikular ang mga frontliner at mga suspected COVID-19 carrier, maging ang mga nakasalamuha ng mga ito.

Facebook Comments