Parañaque-LGU, tiniyak ang sapat na tulong sa mga residente na apektado ng granular at calibrated lockdown

Sinisiguro ngayon ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na hindi magugutom ang lahat ng mga residente sa lungsod na apektado ng granular at calibrated lockdown.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, namahagi na sila ng mga food pack sa mga pamilya na naapektuhan ng lockdown kung saan inatasan din ni Olivarez ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para naman sa pagdi-disinfect at pag-sanitize sa mga barangay.

Nabatid na isinailalim sa granular at calibrated lockdown ang Banner Garden Site sa Fourth Estate, Barangay San Antonio at ang dalawang eskinita sa Barangay San Dionisio dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.


Ikinasa na rin ang agarang pagsasagawa ng mass testing at contact tracing sa mga residente upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga nabanggit na lugar.

Nagdagdag na rin ng mga pulis sa mga nasabing lugar na isinailalim sa granular at calibrated lockdown dahil nais na masiguro ng alkalde na walang sinuman ang makalalabas pa ng bahay.

Inamin ni Olivarez na ang mas mabilis na nakahahawang Delta variant ay natukoy na rin sa lungsod at bilang tugon dito, agad silang nagdesisyon sa pagsasailalim sa mga barangay na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa granular at calibrated lockdown na napatunayan na mabisang hakbang para malabanan ang virus.

Facebook Comments