PARATANG | Pagdeklarang terorista sa 600 mga indibidwal na konektado sa CPP-NPA, pinalagan

Manila, Philippines – Mariing kinokondena ng Makabayan sa Kamara ang pagdedeklara ng Pangulong Duterte na mga terorista ang nasa 600 mga indibidwal na umano ay konektado sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Pinasinungalingan nila Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, Kabataan Representative Sarah Elago at Gabriela Representative Emmi de Jesus ang paratang at iginiit na walang katotohanan na terorista ang mga nasa likod o sumusuporta sa revolutionary group.

Ayon kay Zarate, pinalulutang palagi ng Duterte Administration ang problema sa terorismo para pagtakpan ang kakulangan ng gobyerno tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho at paglabag sa karapatang pantao.


Sinabi naman ni De Jesus na ipinapakita lamang ng gobyernong Duterte kung gaano sila ka-paranoid dahil isinama din sa listahan ng mga konektado sa CPP-NPA ang UN Special Rapporteur Victoria Tauli-Corpus at ang mga indigenous peoples’ rights advocate Beverly Longid at Atty. Jose Molintas.

Humahanap lamang din aniya ng dahilan ang pamahalaan para i-justify at gawing legal ang pagtugis sa mga kritiko, legal activists at human rights defenders.

Tiniyak naman ni Elago ang patuloy na paglaban sa mala-diktaturyang pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.

Kaugnay dito ay naghain sa DOJ ang pamahalaan na ideklarang terorista ang mga CPP-NPA supporters kasama dito sina Bayan Muna President at dating Representative Satur Ocampo, Bayan Muna Officer Vicente Ladlad, Bayan Muna staff Brenda Biernes, Anakpawis Partylist Chairman Randall Echanis at former SELDA officer Eliza Lubi.

Facebook Comments