Kinilala ang nasabing pari na si Rev. Fr. Karole Reward Israel, Asst. Parish Priest ng St. Vincent Ferrer sa bayan ng Solana at residente ng Brgy. Tucalana, Lal-lo, Cagayan.
Sa ibinahaging impormasyon ng Cagayan Provincial Information Office, batay sa imbestigasyon ng NBI, naging malapit umano si Fr. Israel at ang 16-taong gulang na biktima noong maging aktibo itong miyembro ng Youth Ministry noong 2019.
Nitong Pebrero 2022 nang una umanong yayain ng pari ang dalagita na magpunta sa bayan ng Aparri at dahil sa pagiging malapit ng biktima ay pinaunlakan nito ang imbitasyon ng pari.
Ngunit nang ihatid na ng pari ang biktima sa kanilang bahay ay nagulat umano dalagita nang biglang hawakan ng suspek ang maselang bahagi ng kanyang katawan.
Nangyari ulit ang insidente ng inaya muli ng suspek ang biktima sa parehong buwan at dinala sa isang hotel kung saan isinagawa ang panggagahasa.
Paulit-ulit umanong nangyari ang panggagahasa na isinagawa sa hotel, sasakyan at minsan rin ay sa kumbento.
Huling nangyari ang panggagahasa nitong noong Oktubre 15 ng kasalukuyang taon.
Pinagbantaan pa umano ng suspek ang biktima na ikakalat nito ang kanilang kuhang sex videos kung hindi ito papayag sa gusto ng suspek at sinabihan na huwag magsusumbong.
Dahil dito, tinangka ng biktima na magpakamatay ngunit sa tulong ng kanyang pamilya at guro ay nasabi din niya ang dinadalang problema.
Dito na nagtungo sa tanggapan ng NBI ang magulang ng biktima at isinumbong ang ginawang pangmomolestya ng pari.
Agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga otoridad kung saan nang muling ayain ng pari ang biktima at dinala sa madilim at walang taong palayan sa Barangay Iraga malapit sa isang paaralan ay sinundan sila ng mga tauhan ng NBI at ni-rescue ang biktima.
Tuluyan namang dinakip ang suspek nitong Oktubre 18, 2022.
Si Fr. Israel ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7877 o Anti Sexual Harassment Act, RA 9262 o Violence Against Women and their Children Act, RA 9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act at RA 7610 o Child Abuse.
Samantala, pansamantala ring nakalaya ang pari matapos makapaglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng mahigit P100, 000 kahapon, Oktubre 20, 2022.