Cauayan City, Isabela- Nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang isang pari mula sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ng Philippine Information Agency Region 2, ang nagpositibo ay si CV 425, isang 56 taong gulang na taga barangay Zone 01, San Mariano, Isabela.
Nabatid na mayroon itong kasaysayan ng paglalakbay sa bayan ng Naguilian noong July 22, 2020 matapos magsagawa ng funeral mass kasama ang sampung iba pang pari.
Nagsagawa rin ang pasyente ng misa noong July 29 at August 2, 2020.
Nakuhan ito ng swab specimen sample noong ika-4 ng Agosto at nagpositibo ito sa Severe Acute Respiratory Syndrome *coronavirus* (*SARS*-*CoV*) o halos kahalintulad ng sakit na COVID-19.
Walang sintomas ng COVID-19 ang naturang pasyente na kasalukuyang nasa kumbento ng simbahan.
Kasalukuyan na ang contact tracing ng iba’t-ibang ahensya para sa mga nakasalamuha ng nagpositibong pari kasama ang pamilya ng namatay na inatendahan sa bayan ng Naguilian.