Ikinokonsiderang “very essential” ng pamahalaan ang mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kasunod ng mga batikos sa hakbang ng gobyernong payagan ang partial operation ng POGO kahit umiiral pa rin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang rehiyon.
Depensa ng senador, mahalaga ang POGO dahil makakakuha rito ang gobyerno ng pondo paggastos sa COVID-19.
Gayunman, iginiit ni Dela Rosa na bagama’t dagdag sa kita ng gobyerno, dapat pa ring tiyakin na hindi ito makakadagdag sa pagkalat ng virus sa komunidad.
Una nang nilinaw ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Andrea Domingo na 30% lang ng kabuuang workforce ng POGO ang papayagang makabalik sa trabaho.
Tanging ang mga POGO worker lang na nakatira sa loob ng five-kilometer radius ng kanilang opisina ang makakabalik sa trabaho at dapat ay hatid-sundo sila ng private buses na ilalaan ng kompanya.
Inaasahang nasa 60 POGO companies ang muling magbubukas pagkatapos ng isang linggong validation at preparasyon.