Kasabay ng malalim na pagluluksa ay inihayag ng Liberal Party (LP) na sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nawalan din ang bansa ng mabuti at tamang halimbawa ng isang Pangulo.
Ito ay ang pangulo na walang kwestyon ang integridad, may pananaw at kakayahang magpatupad, hindi nagnanakaw at ang salita ay umaayon sa kanyang mga aksyon.
Ayon sa statement ng partido, palaging inaalala ni PNoy kung paano mapagsisilbihan nang mahusay ang mamamayang Pilipino kaya naman sa pamumuno nito ay milyon-milyong Pilipino ang nailayo sa gutom, nagkatrabaho, at nabigyan ng pagkakataong mangarap muli.
Diin pa ng LP, sa ilalim ng pamumuno ni PNoy ay natibag ang systemic corruption, nawala ang wang-wang sa kalsada na simbolo ng pang-aabuso ng makapangyarihan at iginalang tayo ng buong mundo.
Pagmamalaki ng LP, mabuting tao si PNoy at pinabuti nito ang buhay ng Pilipino.
Mahusay at dakila rin siyang pinuno at napakarami niyang natulungan dahil ibinigay niya ang lahat para mapaglingkuran tayo.
Giit ng LP, mas maayos ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni PNoy at bagama’t magpapahinga na ito ay magpapatuloy pa rin naman ang “Daang Matuwid”.