Umapela si Senator Joel Villanueva na isaalang-alang sa paghusga sa party-list system ang merits nito o positibong naidulot.
Reaksyon ito ni Villanueva sa report na kaya nais Pangulong Rodrigo Duterte ng Charter Change ay upang amyendahan o alisin ang party-list system na bahagi ng paraan para sugpuin ang CPP-NPA.
Ito ay dahil may party-list groups umano ang nakikisimpatya o may kaugnayan sa komunistang grupo.
Pero giit ni Villanueva, bagama’t marami pang dapat baguhin o paghusayin sa partylist system, ay malinaw naman ang ambag nito sa checks and balance sa gobyerno.
Diin pa ni Villanueva, personal din niyang nakita kung paano nabigyan ng party-list system ng partisipasyon sa pagdedesisyon para sa ating bansa ang mga mahihirap at mga sektor na walang kinatawan sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Villanueva, sa halip na Cha-Cha ay mas dapat patuunan ng mga mambabatas ngayon ang vaccination program at pagbangon sa ekonomiya.