Partylist groups at mga progresibong samahan na umano’y konektado sa partido komunista, muling iimbitahan sa pagdinig ng Senado ukol sa red tagging

Muling magpapatawag ng isa pang pagdinig ukol sa red tagging si Senator Panfilo Lacson na siyang Chairman ng Committee on National Defense and Security.

Ayon kay Lacson, para patas, sa susunod na hearing ay muling bibigyan ng pagkakataon ang mga partylist groups, kanilang representatives at iba pang progresibong samahan na inaakusahang kasapi ng partido komunista.

Pangunahin dito ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara tulad ng Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Alliance of Concerned Teachers, Kabataan at Gabriela na inimbitahan sa unang pagdinig ngunit hindi sumipot.


Ipinaliwanag naman ni Lacson na hindi niya mapagbibigyan ang hiling ni dating Bayan Muna Partylist Congressman Neri Colmenares na maging eksklusibo sa kanila ang pagdinig at walang kinatawan mula sa militar at pulisya.

Sabi ni Lacson, mahalaga na palaging maimbitahan sa public hearing ang magkabilang panig para hindi maging unfair o walang mapagkaitan ng pagkakataong magsalita.

Magugunitang sa unang pagdinig ay mariing iginiit ng mga opsiyal ng militar at pulisya na hindi sila ang nagsasagawa ng red tagging kundi si CPP Founding Chairman Joma Sison Mismo ang nagbanggit sa mga grupo na kanilang kasapi.

Facebook Comments