Isinusulong ngayon ng isang mambabatas na patawan ng parusa ang sinumang magkakansela ng inorder nilang pagkain, inumin, o grocery na dapat ay ide-deliver na.
Kapag naipasa ang House Bill 6958 o “Food and Grocery Delivery Services Protection Act” na inihain ni Ako Bicol party-list Representative Alfredo Garbin Jr., mabibilanggo mula anim hanggang 12 taon at pagmumultahin hanggang P100,000 ang sinumang mangangahas na lalabag.
Ayon sa kongresista, gusto niyang pahalagahan at protektahan ang mga delivery rider at negosyante laban sa mga mahilig manloko.
“In order to protect the interest of the service providers who are risking life and limb to keep us safe within our abodes, this bill seeks to provide safeguards to the riders and penalize those who will unreasonably, unceremoniously, and unconsciously cancel their orders,” saad ni Garbin sa isang text message.
Batay sa panukala, maigting na ipagbabawal ang pagkakansela ng order lalo na kung binayaran na ito ng delivery rider at patungo na sa kinaroroonan ng customer.
Kabilang din sa parurusahan ang mga prankster o indibidwal na wala talagang planong bumili ng produkto.
Hindi rin puwedeng alipustahin o hiyain ng umorder ang nagdala ng inorder na item sa anumang uri ng social media platform.
Maliban sa registration sa mga delivery app, kailangan din ipasa ng mga kliyente ang kanilang valid identification card at proof of billing para sa karagdang proteksyon ng mga maghahatid ng produkto.
“It shall likewise endeavor to verify the identity of the customer through video call verification. Violation of this role shall render the food and grocery services provider liable for a fine of [P1,000,000] per violation,” ayon pa sa panukala.