Parusang kamatayan, ipaubaya na lamang sa susunod na administrasyon

Iginiit ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na ipaubaya na lamang sa susunod na administrasyon ang pagbuhay sa parusang kamatayan.

Sa ilang taon din ay mariing tinututulan ni Atienza ang death penalty dahil ito ay paglabag sa pagiging sagrado ng isang buhay.

Ayon kay Atienza, mas dapat na pagtuunan ng panahon ngayon ng gobyerno, Malakanyang at Kongreso ang pagligtas ng buhay at pagtugon sa epekto ng pandemya sa ekonomiya sa halip na aksayahin ang oras para sa pagbabalik ng parusang kamatayan.


Giit ng kongresista, nasa gitna ngayon ang bansa ng public health disaster kung saan ilang milyon na mga Pilipino ang nawalan ng kabuhayan at trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Bukod sa krisis ay kulang din sa panahon ngayon ang Kongreso sa dami nang dapat iprayoridad at sa loob ng 22 buwan ay maghahalal na naman muli ng bagong Presidente ng bansa.

Sa halip na buhayin ang death penalty ay inirekomenda ni Atienza ang reporma sa criminal justice system ng bansa.

Facebook Comments