Naniniwala si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na naging mega parking lots o taguan ng malapit nang mag-expire na pondo ang dalawang ahensya ng gobyerno.
Sabi ni Recto, resulta ito ng nakagawian na “pasa-buy scheme” o pagpapasa ng ilang ahensya ng gobyerno ng pondo para pambili ng supplies at goods.
Tinukoy ni Recto na kabilang sa pinagpapasahan ng pondo ay ang procurement service ng Department of Budget and Management (DBM) at Philippine International Trading Corp. (PITC) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Binanggit ni Recto na sa ngayon ay umaabot na sa P63.1 billion ang naka-park na pondo sa naturang mga ahensya ng pamahalaan kung saan ang P31.54 billion ay nakatengga sa PITC habang P31.56 billion naman ang natutulog sa DBM Procurement Service.
Paliwanag ni Recto, kaya ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno ang pagpapasa ng pondo sa PS-DBMat PITC ay para huwag abutan ng deadline at mapaso ang kanilang mga pondo at hindi sila maobliga na isauli ito sa National Treasury.