PCSO at PAGCOR, hiniritan ng isang kongresista na tumulong sa pagbibigay ng libreng COVID-19 tests

Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isama sa kanilang charity funds ang libreng COVID-19 swab testing para sa mga Pilipino.

Ginawa ni Ordanes ang panawagan sa gitna na rin ng budget deliberation para sa 2022 national budget.

Giit ng kongresista, ang mahal na presyo ng pagpapa-test para sa COVID-19 ay naging isang malaking hadlang para malabanan nang husto ng bansa ang sakit.


Sinabi ni Ordanes na malaki ang maitutulong ng libreng COVID-19 testing upang mahikayat ang marami na magpa-test at para malaman din kung saang lugar mas dumarami ang kaso ng may COVID-19.

Hiniling din ng mambabatas sa PCSO at PAGCOR na tumulong na rin sa pagde-deploy ng mga ambulansya na magsisilbing mobile vaccine service vehicles.

Ang paggamit sa mga ambulansyang ito para sa pagbabakuna ay makakatulong lalo ngayong limitado ang galaw ng mga tao at para agad makamit ang population protection ng bansa.

Facebook Comments