Manila, Philippines – Panibagong karangalan ang tinamo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos itong makapasa sa mahigpit na pamantayan na itinatakda ng International Organization for Standardization (ISO) para sa mga pangunahing serbisyo at proseso ng ahensya.
Nagbubunying tinanggap ng mga opisyal at kawani ng MMDA, sa pangunguna ni Chairman Danny Lim, ang ISO 9001:2015 certificate mula kay Paul Bagatsing, Vice President ng AJA Registrars, Inc., ang “ISO certifying body” na nagsagawa ng audit sa MMDA.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Chairman Lim ang kanyang mainit na pagbati sa lahat nang kawani at mga pinuno ng tanggapan ng ahensya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa MMDA na maging ISO-certified ang lahat ng proseso at serbisyo ng ahensya.
Ayon kay Lim, ang pagkakaroon ng sertipiko ng ISO ay isang panaginip mula noong siya ay manungkulan bilang chairman ng ahensya noong Mayo 2017.
Ang ISO 9001:2015 ay isang pandaigdigang pamantayan para sa quality management system na nakabatay sa prinsipyo ng “continuous improvement” upang matiyak ang mataas na kalidad ng serbisyo o produkto ng isang organisasyon.