Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 8083 o ang TRAIN 2 na mas kilala bilang TRABAHO Bill.
Sa botong 187 Yes, 14 No at 3 abstention ay nakapasa sa ikatlong pagbasa ang TRABAHO Bill.
Ito na ang ikalawang tax reform package ng Duterte administration na nakalusot sa Kamara.
Sa ilalim ng TRAIN 2 o TRABAHO bill, walang bagong buwis na ipapataw kundi ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kumpanya mula sa kasalukuyang 30%.
Ira-rationalize din ang mga insentibo na ibinibigay sa mga negosyo para sa karapat-dapat na kumpanya.
Ibig sabihin, tatanggalan ng incentives ang mga kumpanyang mauunlad na at ibibigay lamang ang ganitong benepisyo sa mga negosyong nag-uumpisa pa lamang.
Kasama sa ira-rationalize ang mga insentibo na iginawad sa ilalim ng 123 special laws.
Hihintayin na lamang ng Kamara ang counterpart bill nito sa Senado at umaasang aaprubahan din ito agad ng Mataas na Kapulungan.