Manila, Philippines – Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang Senate Bill No. 1896 o Universal Health Care Bill na magbibigay ng pantay at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Pilipino.
Ayon kay Committee on Health Chairman Senator JV Ejercito, itinatakda ng panukala ang otomatikong enrollment ng lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program.
Palalawakin din ng panukala ang sakop ng PhilHealth coverage kung saan isasama na ang mga consultation fees, laboratory tests at iba pang diagnostic services.
Sabi ni Ejericto, tugon din ang panukala sa kakulangan ng mga doktor sa bansa at hindi sapat na mga hospital bed at kagamitan lalo na sa mga pagamutan sa mga malalayong probinsya.
Ipinaliwanag ni Ejercito na para makamit ang nararapat na doctor-to-patient ratio ay oobligahin naman ang mga nagtapos sa health related courses sa mga state colleges and universities na magsilbi sa mga pampublikong ospital sa loob ng tatlong taon.