Pasahero ng eroplano, pinilit umanong pumuwesto sa upuan na sinukahan ng iba

Inireklamo ng mag-asawang pasahero ng United Airlines ang sapilitan umanong pagpapa-upo sa kanila sa puwestong sinukahan ng ibang pasahero — at nang makisuyo, binigyan sila ng tisyu para sila na raw mismo ang maglinis.

Kuwento ng pasaherong si Sam Trail, sumakay sila ng kanyang asawa sa United Flight 2057 mula Vancouver papuntang Houston nitong Linggo, nang makita niyang halos balot ng suka ang uupan niya at paligid nito.

Patuloy naman daw ang pagpapasakay sa mga pasahero kaya nanatiling nakatayo ang mag-asawa, hawak-hawak ang kanilang mga bagahe na iniiwasang maidikit sa suka.


Ipinaalam umano ni Trail sa crew members ang sitwasyon, ngunit ang inaalala ng mga ito ay makalipad sa tamang oras.

Sinagot daw sila na kung tatawag pa ng maglilinis, sila ang magiging dahilan ng pagka-delay ng flight.

Inabutan daw sila ng flight attendant ng tissue para sila ang maglinis ng upuan– at saka naman dumating ang taga-linis na may dalang spray at towel.

Kahit daw nilinis na, ayon kay Trail ay may tira-tira pa ring suka sa puwesto nila.

“There’s gotta be some limitations. I mean you have to provide a sanitary environment and there should be an apology,” ani Trail sa isang pahayagan.

Itinanggi naman ng United Airlines na pinilit ang mag-asawa na linisin ang suka dahil agad naman daw tumawag ang crew members ng maglilinis.

Hindi rin daw sigurado kung suka nga ang dumi sa upuan.

“We’re disappointed that this aircraft did not meet our standards for cleanliness. Once the issue was brought to our crew’s attention, cabin cleaners were called on board to clean the seat prior to departure. We have reached out to our customer to better understand what happened,” pahayag ng airline.

Facebook Comments