Dapat umanong pasalamatan si Pastor Apollo Quiboloy sa pagpapatigil ng 6.6 magnitude na lindol na yumanig sa North Cotabato at mga kalapit na probinsya noong Martes, Oktubre 29.
Sa “Give Us This Day” nitong Oktubre 30, sinabi ng pastor na binanasagan ang sarli bilang “Appointed Son of God” na sinigawan niya lang ang lindol na huminto–at huminto nga.
“Noong lumindol ng 6.6 (magnitude), nandoon ako kahapon, nandoon ako sa kwarto ko, sabi ko ‘lindol stop, umi-stop’” ani Quiboloy.
“Pasalamat kayo sa akin kasi kung hindi ko pina-stop ‘yun, marami kayong magigiba diyan, mamamatay kayo,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng pastor na maraming “nakapalibot” na saksi nang utusan niyang huminto ang lindol.
“Sinigawan ko ‘yung lindol, noong gumanon na ‘yung mga chandelier ko, ‘stop!’ sabi ko, stop kaagad,” pagpapatuloy niya na sinundan ng palakpakan at “Amen” mula sa mga nanonood.
Sinisi naman ni Quiboloy ang kanyang mga bashers na iginiit niyang dahilan ng sakuna.
“Bakit binabagyo at nililindol ang Mindanao? Kasi maraming bashers dito. Tingnan mo ‘yung mga lugar ng bashing, kawawa naman. Ayoko namang mapahamak ang tao pero ang judgment nanggagaling sa Diyos e,” aniya.
Si Quiboloy ang lider ng Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every Name oo KJC na nakabase sa Davao.
Mas nakilala pa ang 69-anyos na pastor nang manalo sa eleksyon si Pangulong Rodrigo Duterte na matagal niya ng kaibigan.
Umamin rin si Duterte noong 2016 na nakatanggap ng mga regalo tulad ng ari-arian at mga kotse mula sa pastor.