Manila, Philippines – Mahigit 1,000 sasakyan ang lumabag sa unang araw ng dry run para sa High Occupancy Vehicle (HOV) lane sa EDSA.
Sa ilalim ng traffic scheme, tanging mga sasakyang may dalawa o higit pang sakay ang makadaraan sa innermost o panlimang lane sa EDSA.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, bagaman wala munang hinuli, lagpas 1,000 ang nakuhanan ng video na pumasok sa hindi nila lane.
Aminado naman si Garcia na nahihirapan silang makita kung ilan talaga ang nakasakay dahil sa heavily tinted ang sasakyan.
Giit pa ni Garcia sa mga lumalabag sa batas-trapiko, dapat silang mahiya dahil malaking bahagi sila sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko.
Kasabay nito, pinakakalma din ng MMDA ang publiko sa planong pagtaas ng mga multa sa top 20 traffic violations.
Paliwanag ng MMDA, posibleng sa Hunyo 2018 pa maipasa ang bagong multa para sa mga lalabag sa batas-trapiko.