Pasay at Las Piñas LGU, naglaan na rin ng pondo para makakuha ng bakuna kontra COVID-19

Naglaan na rin ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Pasay at Las Piñas para makabili ng bakuna kontra COVID-19 sakaling maaprubahan na ang National Government.

Sa Pasay City, naglaan sila ng P250 milyon na pondo para mabigyan ng libreng bakuna ang nasa 275,000 na mga residente sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano na natapos na nila ang census para malaman kung sinong mga residente ang nais magpabakuna kung saan maglalabas sila ng ID na magiging batayan para sa pagbabakuna.


Ang mga nasabing ID ay kanila nang ipamamahagi ngayong buwan ng Enero.

Samantala, nasa P200 milyon naman ang inihandang pondo ng Las Piñas LGU para makabili ng bakuna kontra COVID-19.

Dahil dito, inihayag ni Las Piñas City Administrator Reynaldo Balagulan na maglalatag ng sistema ang lokal na pamahalaan para malaman kung sino-sinong mga residente sa lungsod ang gustong magpabakuna.

Plano rin nilang mag-ikot sa mga barangay para ipaliwanag ang kahalagahan ng pagbabakuna kontra COVID-19 upang maging panatag ang kalooban ng mga residente sa lungsod.

Facebook Comments