Walang nasayang o nadamay na bakuna kontra COVID-19 sa nangyaring sunog sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Pasay partikular ng City Health Office.
Ayon kay Dra. Grace Noble ng City Health Office, bago pa man magsimula ang sunog, mabilis nilang nailikas ang mga nakapilang kabataan gayundin ang nasa 500 doses ng bakuna kontra COVID-19.
Aniya, agad nilang nadala sa Mall of Asia vaccination center ang mga bakuna kaya’t walang dapat ipag-alala ang publiko lalo na ang mga kabataan.
Kaugnay nito, pansamantala namang inilipat ang venue ng pagbabakuna sa Mall of Asia vaccination center upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan at ng mga tauhan ng City Health Office.
Sinabi ni Pasay City Public Information Officer Jun Burgos na susundin pa rin ang schedule ng pagbabakuna sa menor de edad mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Hindi pa naman malinaw kung hanggang kailan muling isasagawa ang pagbabakuna sa Cuneta Astrodome kung saan hindi pa rin matukoy kung anong pinagmulan ng nangyaring sunog.