Handa si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na unang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19 sakaling makabili na sila nito.
Ayon sa alkalde, nais niyang ipakita sa mga residente ng lungsod ng Pasay na wala silang dapat ipangamba sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Aniya, isa rin itong paraan para ipaalam sa mga residente na kinakailangan talaga na mabakunahan upang maiwasan na tamaan ng virus.
Muli naman iginiit ni Mayor Emi na ang bakuna mula sa AstraZeneca ang kanilang kukunin dahil naniniwala siya na ligtas, epektibo at mas mura ang presyo nito.
Kaugnay nito, isinasailalim na ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pagsasanay ang mga doktor at nurses na magsasagawa ng pagbabakuna kontra COVID-19.
Nakipag-pulong na rin ang Pasay LGU sa mga opisyal ng barangay sa lungsod para matukoy kung sinu-sinong mga residente ang nais na magpabakuna.
Naghahanap na rin ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng malawak na lugar kung saan isasagawa ang kanilang vaccination program.
Nabatid na nasa 275,000 doses ng bakuna ang bibilhin ng Pasay City Government at handa nila itong ibigay nang libre sa mga magbo-boluntaryong mga residente sa kanilang lungsod.