Pasay LGU, nagkukulang na ang hawak na suplay ng bakuna kontra COVID-19

Aminado ang lokal na pamahalaan ng Pasay na nagkukulang na sila ng suplay ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, halos isang linggo nang nagkakaroon ng shortage sa hawak nilang bakuna kahit pa may dumating na 6,000 doses nitong Biyernes.

Aniya, kinakailangan nilang tipirin at hatiin sa tig-3,000 ang nakuhang bakuna para mabigyan ng second dose ang ilang residente at maipamahagi ito sa mga itinalaga nilang vaccination sites.


Dagdag pa ng alkalde, aabutin lamang ng dalawang araw ang nasa 3,000 na bakuna sa mga vaccination sites kaya’t kanilang aabisuhan ang mga residente sa lungsod hinggil dito.

Bukod dito, hinihintay na lamang din ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang mga guidelines mula sa national government para sa pagbabakuna sa mga nasa A4 at A5 categories upang makabuo na sila ng plano.

Ipinaalala naman ni Rubiano sa mga nakatanggap ng first dose ng Pfizer na ang pagbabakuna sa second dose ay magaganap sa June 5 at 8 sa Cuneta Astrodome.

Facebook Comments