Gagamit ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng maliliit na “distribution centers” para sa pamamahagi ng ayuda na sisimulan sa Miyerkoles, August 11.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, ang bawat distribution site ay magke-cater sa “small bubbles” sa loob ng mga barangay upang matiyak na hindi magsisiksikan ang mga tao sa pagkuha ng cash aid.
Sinabi ng alkalde na nasubukan na nilang mag-bahay-bahay sa pamimigay ng ayuda at nahirapan din sila rito.
Kailangan pa rin aniya ng pay-out sites pero kailangang ito ay maliit lamang at manageable upang maiwasan ang pagdumog ng mga tao.
Paliwanag pa ni Sotto, hindi rin magagawa ng Local Government Unit (LGU) na ipamahagi ang ayuda sa pamamagitan ng online payment channels dahil karamihan ng mga mahihirap sa lungsod ay walang access sa internet at wala ring smartphone.
Kailangan aniya ng universal at ligtas na pamamaraan sa pamimigay ng ayuda na maaabot ng lahat.