Ikinokonsidera ng Pasig City Government na idonate ang bahagi ng kanilang Disaster Risk Reduction Management Trust Funds na nasa pagitan ng ₱500,000 hanggang ₱1 million para maitulong sa ibang Local Government Unit (LGU) na lubhang apektado sa paghagupit ng Bagyong Rolly.
Sa kaniyang Facebook live, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na kinukonsulta na niya ang iba pang mga opisyal ng lungsod tungkol sa plano dahil ang naturang pondo ay mula sa Pasig City Government.
Paliwanag ni Sotto, ang naturang pondo ay maaaring gamitin sa ganitong sitwasyon at iba pang mga proyekto gaya ng scholarship at infrastructure projects.
Nagpasalamat naman si Mayor Sotto na ang Pasig City ay hindi lubhang naapektuhan ng bagyo gaya ng rehiyon.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa mga responder, Philippine National Police (PNP) personnel at iba pang mga frontline workers sa kanilang naiaambag upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga residente na karamihan ay dinala sa evacuation centers pero nakauwi rin kalaunan.